![]() |
|
SAAN NAGMULA ANG SOAP OPERA? Ang Soap Opera bilang isang modernong anyo ng panitikan, ay hindi isang makabagong imbensyon. Mahaba at masalimuot ang prosesong tinahak ng kulturang ito bago maatim ang kasalukuyang katayuan bilang Kulturang Popyular. Kaya naman hindi kailanman maaring sabihin na 'bakya' o 'baduy' ang isang Soap Opera dahil iisa ang pinaggalingan ng Soap Opera at ng 'matataas' na uri ng panitikan. Kakaibang uri ng naratibo ang Soap Opera. Ito ay halos hindi nagtatapos at karaniwang ipinalalabas sa telebisyon limang araw kada linggo, mula Lunes hanggang Biyernes. Malimit na umaabot ng 2-3 taon ang buhay ng isang Soap Opera na pinalalabas sa isang istasyon. Umaabot din ng 30 minuto hanggang 1 oras ang palabas kada araw, kung saan nakapaloob ang iba't ibang patalastas ng produkto ng iba't ibang MNC's (Multi-National Corporations) tulad ng Proctor & Gamble at Unilever. Masasabing karaniwang nakasentro sa masa ang Soap Opera, na pinatutunayan ng mga tema, tauhan, at pangyayaring hango sa karanasan ng karaniwang tao sa lipunan. May mga elementong maka-realidad at mayroon ding elementong napaka-ideyal sa loob ng isang Soap Opera. Sa kasalukuyan, mahalaga ang papel na ginagampanan ng bawa't Soap Opera sa kultura at lipunang Pilipino. Ito ay nagsisilbing pang-aliw, pampalipas oras, at masmahalaga, isang kulturang nag-uudyok ng pagkakaisa sa mga Pilipino, mula Apari hanggang Jolo. Ang PANAHON NG mga tribo Nagmula sa tradisyon ng Kwentong Bayan, ang naratibo sa sinaunang panahon, ang Soap Opera, partikular na sa nobelistang kwento. Tulad ng kwentong bayan, may katangiang pagkasimple ang karakterisasyon sa Soap Opera, kaya't karaniwang nabibigyan ng politikal na dimensyon. Mayroon ding mga katangiang nakuha sa Epiko ang Soap Opera: ang pagiging Episodic at pagikot-ikot lamang sa isang tema sa kahabaan ng kwento. Karaniwang mamamayan, "common tao" o kaya't ang tinatawag na taumbayan ang pangunahing tauhan sa Soap Opera. Ito ay tulad din ng persona sa Kwentong Bayan. Ang Kwentong Bayan ay sinasabing isang uri ng pakikihamok ng isang mababang uri sa lipunan sa mga nang-aapi o umaalipusta na namamayaning uri. Ito ay isang katangian na kasalukuyang makikita rin sa mga Soap Opera. Nakuha ng Soap Opera ang katangian ng Kwentong Bayan na walang hangganan o mga seryeng halos hindi nagtatapos. Tulad ng kwentong bayan, ang Soap Opera ay paulit-ulit na nadaragdagan ng iba't ibang "twists" habang lumilipas ang panahon at habang tinatangkilik ito ng masa. Ang Kwentong Bayan, sa kabilang dako ay may katangian ding walang-hangganan dahil ito ay pinapasa sa pamamagitan ng oral na tradisyon, kung kaya't bawa't pagpasa nito ay nadaragdagan o napapalitan ang mga pangyayari sa kwento, kahit man na nagagawang panatilihin pangunahing tema nito. Karaniwang pinag-uusapan at binibigyan ng haka-haka ng mga tumatangkilik ng Soap Opera kung ano ang mangyayari sa susunod na kabanata. Ito ay maihahantulad din sa Kwentong Bayan, na pinapasa at pinag-uusapan ng karaniwang mamamayan bilang bahagi ng kanilang pang-araw araw na gawi. Ang Karaniwang tema ng Soap Opera, kung saan laging nagwawagi ang mabuti laban sa masama (na masyadong ideyal at hindi maka-realidad dahil madalang itong nangyayari sa tunay na buhay), ay impluwensya din ng prekolonyal na tradisyon ng Kwentong Bayan. Karaniwang nagwawagi ang mga naaapi sa mga Soap Opera sa pamamagitan ng masalimuot at komplikadong pamamaraan, tulad ng mga persona sa Kwentong Bayan. ANG PANAHON NG HACIENDA Nagkaroon ng iba't ibang impluwensya sa panitikan nang pilitang sakupin ng mga Kastila ang Pilipinas. Unang una, naapektohan ang istruktura ng lipunan sa pagkakaroon hirarkiya ng mga uri, sa sapilitang gawing Kristiyano ang mga tribo, at sa pagpalit ng pamamaraan ng pamamahala sa lipunan. Dala ng edukasyong Kanluranin, nagkaroon ng iba't ibang tema ang panitikan, tulad ng metrical romance kung saan nahahayag ng labis-labis na pagmamahal. Isa rin sa mga mahalagang impluwensya sa panitikang pambasa na dala ng mga kastila ay ang pagpapakilala ng nobela, isang napakahabang naratibo kung ikukumpara sa Kwentong Bayan. Dito maaring naggaling ang kasalimuutan at mga komplikadong tema na mapapansin sa mga Soap Opera na ipinalalabas sa iba't ibang istasyong pantelebisyon sa kasalukuyan. Nadagdagan ng mga bagong konsepto ang kamalayan ng mga mamamayang Pilipino noon, tulad ng hacienda, simbahan, sentralisadong pamahalaan, pagiging elitista at edukado, pinagbabawal na relasyon, at ang ugnayan ng alipin at amo. Itong rin ang mga konseptong makikita natin sa iba't ibang Soap Opera na ipinalalabas sa telebisyon sa kasalukuyan. Maaring dito rin nanggaling ang pagtanaw sa babae bilang isang 'sex-object' at siyang tagalinis ng dumi ng bahay (sa pagiging taga-laba ng mga damit, taga-lampaso ng sahig, at taga-linis ng mga kalat sa bahay), ng pamilya (siyang sumasalo at pinagbibintangan ng mga pagkakamali at gulo sa pamilya), at ng lipunan (siyang pinararatangang mahina, emosyonal/irasyonal, at makasalanan). Ang Soap Opera bilang social narcotics o "Opiate of the Masses", bilang behikulo ng namamayaning uri, ay maaring konsepto na buhat din ng pananakop ng mga Kastila. Dahil ninais ng mga kastila na manatiling mangmang at mababa ang mga Pilipino, ginawa nilang bigyan ng edukasyon, pagkain, trabaho, at tahanan ang mga Pilipino, kung saan may lihim na makasariling layunin. Ang konsepto ng pagiging mapagsamantala na dala ng mga Kastila ay makikita sa mga elitista at kapitalista na pinararatangang pinagsasamantalahan ang Soap Opera para sa kanilang saraling pakinabang at kapakanan. ANG PANAHON NG MGA SUBDIBISYON Dala ng mga Amerikano ang iba't ibang modernong teknolohiyang mula sa Kanluran nang 'sinagip' nila ang Pilipinas mula sa kamay ng mga Kastila. Ang teknolohiya ng radyo ay siyang unang rebolusyonaryong pagbabago sa sining ng telekomunikasyon. Tulad ng nangyari sa Estados Unidos noong panahon, ginamit rin sa Pilipinas ang radyo upang magpalabas ng Soap Opera, na tinatawag na Radio Drama. Ito ay lalong lumaganap nang pinagsamantalahan ng mga kompanyang nais mabenta ang kanilang produkto sa pamamagitan ng mga patalastas. Dito nanggaling ang consumer capitalism, ang pangunahing konsepto na namamayani sa produksyon ng Soap Opera sa kasalukuyan. Lalong pinalaganap ng pagdating ng telebisyon ang pagpapalabas ng Soap Opera at ang maka-kapitalistang pag-iisip o mentalidad ng mga Pilipino. Maaring dito nanggaling ang iba't ibang maka-Kanluraning elemento ng Soap Opera (tema, tauhan, atbp.) tulad ng paghihiwalay ng mag-asawa (dibursyo), pampublikong edukasyon, 'career-oriented' woman , mga bakla, at maka-Kanluraning pagkiling, na makikita lalong lalo na't sa pamimili ng ga produktong 'stateside'. Sa mga Amerikano rin maaring nanggaling ang temang pakikibaka sa paghahangad na maging 'malaya' ng mga tauhan, hindi lamang pisikal kundi't pati intelektwal na pagiging malaya, sa iba't ibang Soap Opera, na maaring epekto ng pagpapakilala ng konsepto ng demokrasya, indibidwalismo, at liberalismo sa mga Pilipino. F.Y.I. Ang Soap Opera ay unang pinalalabas sa Radyo. N Ito'y lalong pumatok noong lumaganap ang paggamit telebisyon sa mga tahanan. N Nagsimulang pumatok sa mga kababaihan ang Soap Opera sa Pilipinas N Nabansagan ang mga palabas na ito bilang "Soap" Opera dahil noong 1930's ginamit ito bilang advertising vehicle ng mga kompayang gumagawa ng sabon, lalo na ng mga sabong panlaba, tulad ng Tide at Mr. Clean. Mula dito, iba't ibang produkto na ang pinatatalastas ng mga Soap Opera sa kasalukuyan, lalo na ang mga produktong ginagamit ng mga babae, tulad ng sanitary napkin, shampoo, panlaba, at iba't ibang produktong pampaganda. |