...to Be Continued...  
Table Of Contents

Ang Soap Opera Bilang Kulturang Popular

Saan Nagmula Ang Soap Opera?

Iba't Ibang Klaseng Palabas

Ang Soap Opera Sa Telebisyong Filipino

Tele-Novela Ng ABS-CBN

Mga Sangkap Ng Soap Opera

Lipunan Ng Soap Opera

Soap Opera Para Sa Mga Kababaihan

Soap Opera Bilang Behikulo Ng Kapitalista

Kinabukasan Ng Soap Opera

Huling Pahina

Sanggunian

...

ANG SOAP OPERA BILANG KULTURANG POPYULAR

Walang makapagbibigay na tiyak at tumpak na kahulugan sa Kulturang Popyular. Ito ay magulo, masalimuot, at mahirap pamahalaan. Dahil lagi itong nagbabago ng anyo, hindi kaya ng sinuman ang panghawakan, ikahon o ipirmi lamang ito sa isang tabi.. Ito ang pinagmulan ng iba't ibang anyo ng kultura at panitikan na makikita sa lipunan ngayon. Makikitaan ng kabalintunaan ang kalagayan ng Kulturang Popyular sa kasalukuyang panahon. Katawa-tawa na ilang dekada nang mulat ang masa sa penomenong ito, ngunit ang mga edukadong nagdidikta ng batayan sa kagandahan at kaunlaran ng kultura, ay nagmimistulang walang alam tungkol sa paksang ito. Dahil ngayon pa lamang sinisimulan ang pag-aaral tungkol dito, ang Kulturang Popyular sa kasalukuyang panahon ay nananatiling isang kababalaghan para sa mga elitistang nagtangkang itaboy at isawalang bahala ang paglaganap ng Kulturang Popyular.



BASURA, BAKYA, BADUY, WA-KLAS, at walang katuturan

Kung ang dami ng manonood sa iba't ibang bansa, at ang haba ng panahon na ito pinalabas sa telebisyon ang pag-uusapan, walang makatatalo sa Soap Opera. Napakabalintuna ng sitwasyong ito dahil nagsimula lamang ang seryosong pagtingin sa Soap Opera bilang isang natatanging uri ng panitikan noong 1980's. Bago dito, ang Soap Opera ay hindi itinuturing na bahagi ng panitikan, kung hindi't ito ay itinuturing ng mga kritiko ng Kulturang Popyular bilang mababang uri ng sining at binabansagan na basura, bakya, baduy, wa-klas, at walang katuturan.



PAGSURI NG SOAP OPERA

Ang pagsuri ng Kulturang Popyular tulad ng Soap Opera ay nangangailangan ng isang sistema, sapagkat dito maaaring makuha ang masmalawak at masmalalim na pang-unawa sa magusot na paradigma na nakabuo sa interaksyon ng tao sa mundong ginagalawan. Sa pamamagitan lamang nito masisimulang kilalanin kung ano ba talaga ang Soap Opera bilang isang uri ng Kulturang Popyular at malalaman ang lakas at impluwensiya nito sa lipunan at sa kasaysayan. Mahalagang malaman ito dahil ang Soap Opera may kakaibang kakayahang maipaliwanag ang iba't ibang paraan kung paano nakakayang labanan at matiis ng mga Pilipino ang mga hirap at pagpapasakit na dala ng mundo. Dito rin makikita ang ilang tradisyong Pilipino na naisalba mula sa iba't ibang panahon.



Hindi sapat ang ginagawang pagtatalakay sa Kulturang Popyular sa Pilipinas ng mga dalubhasa sa wika, at ng mga pamantasan, kung saan nabibilang ang Soap Opera. Ano na ba talaga ang kalagayan ng Kulturang Popyular sa Pilipinas? Ang tinatawag na "folk culture", "mass culture", at "elite culture" ay nangangailangan pa rin ng masmalalim na pag-aaral upang makilala ng lubos. Dahil sa kulang pa ang pagsisiyasat sa mga ito, wala pa ring napagkakaisahang kahulugan ang nabibigay sa Kulturang Popyular.

Ang mga tanong na ito ay iilan lamang sa mga dapat masagot ng isang nagnanasang magbigay puna sa Kulturang Popyular:

*Ano nga ba talaga ang mga kasangkapan na dapat gamitin ng isang sosyolohiko sa pakikitungo sa Kulturang Popyular?

*Talaga nga bang nakapamamanhid ng tao ang mga uri ng Kulturang Popular, tulad ng Soap Opera, sa kanilang problema sa lipunan?

*Tunay nga bang ang Kulturang Popyular ay kulturang nabuo sa pagtangkilik ng masa, o ito ba ay gawa-gawa lamang ng mga elitista hango sa kanilang makasariling hangarin?



ANO NGA BA TALAGA ANG KULTURANG POPYULAR?

May tatlong pananaw na nagnanais na magbigay kahulugan sa Soap Opera bilang Kulturang Popyular.



Statistical na Pananaw

Isa dito ang "statistics." Ang mga hanay ng programa sa telebisyon, mga benta ng plaka sa mga tindahan ng musika, at ang mga pelikulang ipinalalabas sa sinehan, ay ilan lamang sa mga ebidensyang nagpapakita kung ano ang pinagkikilingan ng Pilipino na palabas, ang pinakikinggan niyang awit, at mga pumapatok na artista sa takilya.



Elitistang Pananaw

Sa pananaw naman ng mga elitista, lahat ng mga mabababang uri ng sining ay itinuturing Kulturang Popyular. Ito ay dahil na rin sa maka-kanluraning impluwensya sa mga Pilipino, lalo na sa sining. Mastinatangkilik ng mga elitista ang mga palabas at mga artista na galing sa ibang bansa tulad ng Amerika, Ingglatera, at iba pa. Ang binabansagan nilang "baduy", "wa-class" at "bakya" na mga palabas at mga artista ay ang mga karaniwang tinatangkilikan at kinababaliwan ng mga kasali sa masa. Ang pagtingin na ito ang masnakalalawak pa sa puwang sa gitna ng mayayaman at mahihirap. Ito rin ay nagmimistulang isang paraang ginagamit ng elitista upang mabukod ang mga baduy mula sa mga 'sosyal' sa lipunan.



Politikal na Pananaw

Sa politikal na pananaw, ang Soap Opera bilang Kulturang Popyular ay isang uri ng pang-aliw na ginawa upang matuwid at marapat ang katayuan ng naghaharing uri sa lipunan. Ang Kulturang ito ay itinuturing bilang isa sa mga malikhaing sining na nabuo sa pangangailangang mailahad pakikibaka ng mga manggagawa upang kalabanin ang kulturang burgis.



BAKIT NASASABING KULTURANG POPYULAR ANG MGA SOAP OPERA?

1.Marami ang tumatangkilik. Tinatanggap ng Masa

2.Gumagamit ng wika na gamit ng masa

3.Hango sa Karanasan ng mga mahihirap/Masa





KAHALAGAHAN NG PAGSURI NG SOAP OPERA BILANG KULTURANG POPYULAR

*Dahil ang Kulturang Popyular kung saan nabibilang ang Soap Opera, ay nabuo mula sa masalimuot na pakikitungo ng mga Pilipino sa mundong ginagalawan, ang pag-aaral dito ay magbibigay impormasyon tungkol sa uri ng lipunan at kulturang Pilipino.

*Ang pag-aaral ng Soap Opera ay maitutumbas sa pag-unawa sa ating sarili bilang bahagi ng isang lipi.



" A serious study of Pop Culture is needed because of the extraordinary importance of these cultural manifestations in the lives of millions of Filipinos, most of whom remain uneducated and untutored in the complex ways of the world."

-Soleded Reyes



Karaniwang sinasabi ng mga tao na walang nangyayari sa mga Soap Opera at pare-pareho ang mga pinag-uusapan. Kahit na isang palabas lamang ang mapanood mo kada buwan ay maiintindihan pa rin ang kuwento ng serye. Kaya ganito ang reaksyon ng ibang tao sa mga Soap Opera dahil sa hindi nila naiintindihan ang istraktura at kasaysayan ng mga ito. Minamaliit lamang nila ang Soap Opera ngunit para sa mga taong talagang sinusubaybayan ang mga ganitong palabas, nakapagbibigay ang Soap Opera sa kanila ng mga mahahalagang impormasyon tungkol sa pang-araw-araw na pamumuhay at pakikipagsapalaran.